Sppech at March 14 Interfaith Rally, Liwasang Bonifacio

Magandang hapon po sa inyong lahat. Ako po si Danton Remoto, ang Chairman ng Ang Ladlad. Kami po ay organisasyon ng mga lesbyana, bakla, bisexual at transgender sa buong Pilipinas.

May kasalanan po sa amin si dating Comelec Chairman Abalos, also known as the BURJER KING ng Pilipinas. Sabi po niya, kokonti lang kami at hindi namin kailangan ng representasyon sa Kongreso. Hello, heller! Ang dami-dami po namin, no. Tingnan na lang ninyo ang mga nakapaligid sa inyo!

Eh ngayon, kumusta naman siya? Sino ngayon ang nag-resign dahil nangongotong pala sa ZTE deal? Sino ngayon ang hindi makatulog pag gabi dahil ginugulo daw ng mga alegasyon sa ZTE deal? Teacher po ako sa Ateneo for the past 22 years. At sinabi nga ni Shakespeare sa dulang Macbeth, ang mga kasalanan ng tao ay dala-dala nila hanggang sa kanilang pagtulog. Kaya siguro hindi makatulog ng mahimbing si BURJER KING at ang kanyang pamilya, may abracadabra na nangyari.

At kumusta naman si Romulo Neri? Kapatid, lumabas ka na! Iladlad mo na . . . ang katotohanan sa ZTE deal. Iwanan mo na . . . ang kloseta ng kasinungalinan . . Kami etong napapahiya sa bintang nila sa iyo na kaya ka nagtatago dahil di-umano’y bading ka. Ang bintang tuloy sa amin ay mga duwag daw ang mga bading. Hello, Heller! Ipinaglaban namin kay BURJER KING ang karapatan namin in the last elections. Ikaw naman ngayon ang magladlad. Sabihin mo na ang lahat. Eto lang ang message ko kay kapatid na Romulo Neri: AMININ.

At kay Tita Glo naman, na dating teacher sa amin sa Ateneo. Tita Glo, masama ho ang sinungaling. Hindi lumalaki. Pumapangit ang boses. Nagboboses palaka. Tinutubuan ng nunal na parang bangaw sa pisngi. At umuusli ang ngipin. Kaya, kung ako ikaw, aminin mo na rin ang katotohanan. Palayasin mo na ang mga opisyal na kasama sa ZTE deal. Sa totoo lang, ang kyoho kyoho na ng Malakanyang. Super-mega-hyper baho na siya. Panahon na para linisan ‘yan. At lilinis lang ‘yan kapag ikaw ay lumayas na sa Malakanyang. Kaya ang message ng mga bading, mga lesbyana, mga bisexual, at mga transgender sa iyo, ay ito: Tita Glo, BABU. Tita Glo, BABU. Tita Glo, BABU!!!

Mabuhay po tayong lahat!

No comments: