Mag-ingat sa tuso

By Ellen Tordesillas
www.ellentordesillas.com

Kayo ba ay naniniwala na talagang tatakbo si Gloria Arroyo bilang kongresista ng Pampanga sa 2010 eleksyon?

Malakas ang kutob ko na isa na namang pakulo niya ito at meron talaga siyang ibang maitim na balak. Suspetsa ko diversionary tactic lang ito.

Nakakapagtaka kasi sila mismo ang nagpapalutang. Si Arroyo mismo. Sinabi nya sa kanyang talumpati, “anong malay nyo, baka tumakbo akong kongresista sa Pampanga.” Ito ay sinundan ng mga pahayag ng kanyang deputy spokesperson na si Lorelei Fajardo na wala namang batas na nagbabawal na tumakbong kongresista.


Ang pinakahuli nilang drama ay ang ikinuwento ni Agrarian Reform Secretary Nasser Pangandaman sa mga reporter sa Cotabato City na sinabi raw ni Arroyo sa kanila sa miting ng Legislative-Executive Development Council ang kanyang planong pagtakbo bilang kongresista ng Pampanga.

Nang inilabas ng Inquirer, deny ang MalacaƱang. Walang sinabi raw si Arroyo sa miting. Atras din si Pangandaman. Ginawa pa yang iresponsable at sinungaling ang reporter. Ang kanyang plano raw na tumakbo sa pagka-kongresista ang sinabi niya sa mga reporter. Ha? Tatakbo siya (Pangandaman) na kongresista ng Pampanga?

Pasensiya na sa mga nagsasabi na sobra naman daw ang aking pagkamuhi kay Arroyo. Hindi ko makalimuntan ang kanyang sinabi sa harap ng puntod ni Jose Rizal noong Dec. 2002 na hindi siya tatakbo sa pagka-presidente sa 2004.

Naniwala at naging kampamte ang marami. Ang hindi natin alam, ginagapang na niya pala ang pagkukunan ng pera ng taumbayan na gagastusin niya sa 2004 eleksyon katulad ng pera ng para sa abono ng magsasaka na naging fertilizer scam at road users tax. Doon din niya kinuha si Comelec Commissioner Virgilio Garcillano.

Di ba sa “kasalan” ng Lakas at Kampi, sinabi niya na ang pagkakaisa daw ng dalawang partido ng mga maka-administrasyon na pulitiko ay patunay na may eleksyon sa Hunyo 2010. Pagkatapos niya sabihin yun, umakyat sa presidential suite ng Manila Hotel, ipinatawag ang mga kongresista at inutusang itulak ang HR1109 o Con-Ass. Siyempre may bonus ang mga masunurin- P20 milyon.

Lumalabas ngayon na kaya pinilit niya ang pag-iisa ng Lakas at Kampi ay dahil kung Kampi lang, na siyang sumusulong ng HR 1109 ni Camarines Sur Re. Luis Villafuerte, kulang ang kanilang numero. Kaya para talaga sa Con-Ass ang Lakas-Kampi merger.

Ang HR 1109 ay nagsusulong ng Constituent Assembly kahit wala ang Senado para ma-amyendahan ang Constitution. Gusto ni Arroyo amyendahan ang Constitution para maging parliamentary system at magiging prime minister siya o kung patuloy ang presidential system, ma-aalis ang term limits ay siya ay pwedend president habambuhay.

May suspetsa akong mas malaking operasyon ang niluluto nina Arroyo. Mag-ingat tayo sa emergency rule o martial law.

No comments: